Sunday, May 17, 2009

Isang Bula na Pagkakaibigan

Hindi ba’t lahat ay may kanya-kanyang kaibigan? Hindi ba’t lahat tayo ay masaya sa piling ng ating mga kaibigan? Hindi ba’t kung wala tayong mapagsambitan ng ating mga hinanakit ay sa kanila natin inilalabas? Hindi ba’t may mga panahon na sila pa ang mas gusto nating makasama kaysa sa ating mga kapamilya? May mga pagkakataon pa nga hindi ba na ayaw na natin mahiwalay sa kanila?

Ang sagot sa mga katanungang iyon ay walang iba kundi ang dalawang letrang salita na OO. Oo, dahil napakahalaga ng aruga o presensiya ng kaibigan, isa man o marami. Oo, marami silang naitutulong at oo din dahil may napakalaki silang gampanin sa ating buhay, nagiging parte sila n gating buhay ditto sa mundo. Itinutruring natin sila bilang atin na ring mga kapamilya at kapuso. Ngunit, may isa pa akong katanungan. Ito ay bakit may nasisira, nawawakas, nasasayang o naglalaho na parang bula na kaibigan o pagkakaibigan? Sa kabila ng lahat ng kasiyahan, harutan, tawanan, iyakan, kwentuhan, kainan, lamangan, kopyahan,sayawan, kantahan, galaan, dayaan, syempre di makakalimutan ang tulungan. Ang sagot pa rin sa katanungan na iyan ay dahil mayroong iba’t-ibang ugali ang tao, mayroong iba’t-ibang ugali rin ang bawat kaibigang ating nakilala. At bawat isa rin ay may kanya-kanyang interpretasyon at pagtatrato sa bawat pagkatao ng bawat isa.

Maaring sa hindi pagkakaintindihan ang simula ng isang pagkawasak o pagkawala ng tamis at sigla ng pagkakaibigan. Marahil, tayo ay agarang nanghuhusga sa pagkatao o kahit sa anumang nagawa ng ating mga kaibigan. Marahil din ay hindi na muna natin sinisiyasat ang mga pangyayari bago pa man tayo gumawa ng kung ano pa man. Tulad nga ng aking nasabi sa mga naunang talata na mayroon tayong ibat ibang interpretasyon o pagkakaintindi sa ibat ibang bagay, marahil isa rin iyon na maaring maging sanhi ng hindi pagkakaunawaan.dapat tayong mag ingat sa lahat ng ating sinasabi at kinikilos,dahil ang isang maliit na pagkakamali ay maaring magdulot ng isang malaking pagkawasak. Halimbawa na lamang ng hindi pagkakaintindihan na karaniwan nating nararanasan o naririnig sa alitan ng mga magkaibigan, ang mga katagang “nagbago ka na”, ang mga katagang iyon ay maaring may ibang ibig sabihin sa iba’t iba ring pagkakaintindi. Maaring nagbago na siya sa pakikitungo, nagbago na ang kanyang pag-uugali, o kaya naman ay nagbago na siya sa kanyang buong pagkatao. Maaring mangyari ang ibang pagkaunawa ng iyong kaibigan sa iyong gustong ipahiwatig. Nararapat na sundan ng isang paliwanag na magpapatunay sa iyong sinambit ukol sa kanya na nagbago na siya. At ikaw naman na sinasabihan na “nagbago ka na” ay buksan ang iyong tenga, puso at isipan sa kanyang pagpapaliwanag ukol sa kanyang binaggit. Hindi ka dapat magbigay ng agarang reaksyon sa kanyang sinabi hangga’t hindi pa niya ito naipapaliwanag. Pagkatapos naman niyang ilahad ang kanyang saloobin ay ipahayag mo rin ang iyong saloobin sa kanya. Sa paguusap ng maayos at pakikitungo ng maayos ay magiging maayos ang lahat. Hindi dapat natin idinadaan sa init ng ulo ang mga ganitong simpleng tampuhan o awayan. Hindi na tayo dapat nagsasambit ng kung anu-ano pa mang salita ukol sa kanya kung wala naman tayong patunay na totoo an gating sinasabi.

Maari rin sa pagkawala ng tiwala ang maging sanhi. Napakahalaga sa gitna ng mga magkaibigan o magkakaibigan ang tiwala, tiwala na kung saan ay walang kahit anong bahid ng pagdududa at pag aalinlangan ukol sa pagkatao ng ng iyong kaibigan. Isang napakalaking elemento ang tiwala sapagkat may mga panahon na hindi natin mailabas sa ating mga kapamilya ang mag nilalaman ng ating mga puso at isipan. Hindi ito maiiwasan dahil kung minsan ay may bagay bagay naman na hindi maiintindihan ng ating mga kapamilya dahil sa kadahilanan na malayo na ang agwat ng ating edad sa kanila kung kaya’t may mga pagkakataon na hindi nila tayo matutulungan sa ating mga suliranin. Kung kaya’t sa mga panahong ito ay sa ating mga kaibigan naman tayo tumatakbo at humihingi ng tulong. Sa pagkakaibigan, nararapat na mapahalagahan ang ipinamalas na tiwala. Bilang takbuhan naman ng ating mga kaibigan ay tulungan din natin sila ayon sa ating makakaya at dapat rin na itago na lamang sa ating sa ating sarili kung anu pa man ang kanyang nasambit, marahil ay maaring ito ay konpidensyal at hindi maaring malaman pa ng iba. Ang pinagmumulan ng tiwala ay ang pagkilala mo sa buong katauhan ng iyong mga kaibigan hindi natin dapat sila kilalanin sa kanilang pangalan lamang ngunit pati na rin sa kanyang pinag mulang pamilya pag uugali,mga ayaw at gusto, at mga karanasan sa buhay. Nararapat na malaman natin ang lahat ng iyon ng sa gayon mabuo natin ang tiwala para sa kanila, upang ng sa gayon ay di tayo magduda sa kanila mas masaya at masarap makasama ang mga taong kilala mo ng buong pagkakatao at walang tinatago na kahit ano. Mas mabuti ng kilala mo siya bago pa man sa gitna ng kasiyahan ninyong magkaibigan ay lumabas ang kanyang mga tunay na ugali at maaring hindi mo ito matanggap at maaring mairita ka pa sa kanya. At yun ay maari rin naming matuloy sa hindi magandang resulta.

Aking inilahad sa mga naunang talata ang hindi pagkakaintindihan. Kapag ang hindi pagkakaintindihan na iyon ay hindi naayos ito ay maaring humantong sa hindi na muling pagkakaunawaan pa, at mahantong sa paglalayo ng puso ng magkakaibigan, isa na rin sa mawawala rito ay ang kanyang tiwala. Sabi ko nga na ang tiwala ay mahalagang sangkap ng pagkakaibigan. Kapag ang tiwala ay nasira na napakahirap ng ibalik ito at buoin pang muli ang kung ano pa man ang nasira. Isa sa pagkawala ng tiwala ay kapag ang iyong kaibigan ay niloko mo ng hindi mo naman sinasadya ay kanya namang dinibdib at sineryoso. May mga uri ng tao na ang kanilang damdamin ay madaling masaktan kaya dapat lang na tayo ang nag-iingat sa lahat ng ating ginagawa. Paano naman natin malalaman kung sino ang nararapat at mga akmang taong dapat na pagkatiwalaan? Siyempre ang mga taong alam nating kilala natin at kilala tayo. Pero naranasan niyo na ba na kahit sa kabila ng pagkakakilala mo sa kanya, na alam mo, na ang lahat ng tungkol sa kanya tapos sa isang iglap ay hindi pala, may tinatago pa pala siya. Hindi natin maiiwasan ang mga ganoong pangyayari. May mga tao talagang pala tago at hindi sinasabi ang kanyang tunay na pagkatao at sa paglaon ng panahon at habang ang araw ay dumaraan at lumalalim na rin ang inyong pagkakaibigan dun maaring lumabas ang lahat ng pag-uugali ng isang tao, masama man o mabuti ay unti unti mo na iyong maoobserbahan at kahit hindi niya iyon sabihin ay kusa na lamang lumalabas sa kanyang mga kinikilos.

Dapat talaga tayong magtiwala sa ating mga kaibigan ngunit dapat ay siguraduhin natin kung nararapat nga ba siyang pagkatiwalaan o hindi. Tulad na lamang ang sinasabi ng isang mensahe sa celpon, “Fake friends smile and say ‘it’s ok’ when you’ve done stupid thing, then goes behind your back and whispers, ’but you’re stupid’. Real friends, hit you on the head and say ‘you’re stupid,’ in your face… then hugs you and whispers ‘but it’s ok’… Kung susuriin at iintindihin ang isang mensahe na iyan napakalalim ng gusto nitong iparating. Sinasabi dito na ang mga tunay na kaibigan ang siyang nagsasabi ng totoo tungkol sa atin para na rin sa ating kabutihan. Siya ang tumatama sa mga kamalian natin at hinding-hindi niya tayo pagtatawanan o kung ano pa man. Gagawin niya iyon upang siya na lamang ang makakita ng iyong pagkakamali at hindi makita pa ng kung sino man at sila pa ang tatawa at manlalait sa iyo. Ang mga kaibigan naman na “pakitang tao” lang ang mga nagsasabi ng positibo sa mga kamalian na nagagawa natin ngunit pagtalikod ay dun ka huhusgahan o pagtatawanan. Napakahirap nga naman talagang magtiwala. Kaya kung ikaw ay may kaibigan na nagtatama ng iyong mga kamalian ay magpasalamat ka sapagkat siya ang tunay mong kaibigan, huwag kang magpapaniwala sa mga taong nagsasabi ng positibo ngunit kaplastikan lang naman pala. Mas magandang kaibigan mo mismo ang makasakit ng iyong damdamin kaysa naman na ang iba pang tao na hindi mo naman kilala ang makakasakit sa’yo.

Inggit, isa rin itong maaring maging dahilan ng pagksaira ng pagkakaibigan. Paano nga ba nagsisimula ang inggit? Marahil lahat tayo ay pamilyar sa kahulugan ng salitang ito. May mga bagay na meron ang iba, na atin namang nagugustuhan. Dito na nagsisimula ang inggit. Isa ring pagkainggit ang “insecurity”, maraming tao ang hindi makuntento kuntento sa kung ano man ang binigay sa kanila ng Diyos. Bakit kaya hindi tayo makontento sa kung anong meron tayo? Bakit kaya kailangan pa nating mainggit sa kabila ng meron naman na tayong mga sariling atin? Marahil na rin siguro dahil mas gusto natin kung ano ang meron ng iba. Hindi ba itong pwedeng maiwasan? Hindi ko alam ang kasagutan sa tanong na iyan dahil ang tao hangga’t mayroong mas kaaya-aya sa kanyang paningin ay hindi ito magtitigil hangga’t hindi ito napapasa kaniya. Hindi lang sa pagitan ng magkaibigan nabubuo ang inggitan maaring sa pamilya, sa gitna ng mga magkakapatid o kaya naman sa mga magakaka mag-anak, maari rin sa loob ng opisina sa gitna ng mga magkakatrabaho. Halimbawa ng pagkawasak ng isang pagkakaibigan ay kung may inggitan sa gitna ng mga magkakatrabaho at masaklap pa niyon ay kapag may namuo ng pagkakaibigan sa magakakatrabaho at dahil lang sa inggitan sa posisiyon o kaya naman sa kung ano pa mang bagay na may relasyon sa kanilang trabaho ay sa isang iglap ay makakaroon ng siraan, awayan at pagkawala na ng pagkakaibigan? Hindi yan maiiwasan kahit wala ka namang ginagawang masama sa iba ang iyong imahe sa iba ay nagiging masama, ang mga iyon naman ay gawa lang din ng mga taong naiinis, nagagalit, “naiinsecure”, dahil sa inggit. Sa loob ng opisina kahit anong pagpapaka anghel nga ang gawin hanngang may mga taong inggitera/ro hindi yan maiiwasan. Halimbawa din ng inggitan ay sa gitna ng mga magkaklase na nagakakainggitan sa mga grado, ang pinagtataka ko lang eh bakit may mga nagakakainggitan sa grado eh ang grado naman ay sarili mo namang gawa? Bakit kailangan maiingit sa grado ng iba kung ikaw sa sarili mo ay hindi mo naman pinag-iigihan ang iyong pag-aaral. Hindi lang sa grado o sa posisyon ang inggit kahit mga simpleng bagay na bago sa paningin ay pinagmumulan din ng inggit. Para sa akin kung tayo ay makokontento sa kung anong meron tayo ay hindi ito mangyayari. At kung tayo ay magiging masaya na sa kung ano man ang binigay sa atin ng Diyos, dapat nalang natin itong pangalagaan at ipagpasalamat sa kanya dahil tayo kanyang binigyan ng mga ito. At hindi rin mahahantong sa hindi magagandang mga resulta.

Marami pang ibang bagay o pangyayari ang hindi ko nabanggit ngunit maari ring pagmulan ng pagkasira, pagkawasak o pagkawala ng nabuong pagkakaibigan. Nararapat lamang ay iwasan ang mga bagay na ito upang manatili ang kasiyahan ng pagkakaibigan.

Alam ko at alam nating lahat na sa gitna ng pagkakaibigan ay hindi nawawala ang muntik-muntikang mga pagkasira na pagkakaibigan.may mga iba na sa gitna ng munitk muntiokan na iyon ay nanatili pa din at naayos pa din nila ang kanilang pagkakaibigan kahit anu pa mang bagyo ang dumaan sa kanilang pagkakaibigan. May mga iba naman na kahit anong gawing pag-uusap at pagaayos ay hindi maayos ayos, maaring hindi talaga itinalaga ang mga taong iyon para sa iyo maaring may mga iba ka pang taong makakasalamuha na siya ang iyong magiging tunay na kaibigan. Maraming nagsasabi na ang mga iyon ay pagsubok lang ng Diyos upang masubok ang tatag ng mga magkakaibigan. Sang-ayon naman ako sa paniniwala na ito sapagkat ako’y naniniwala na alam ng Diyos kung anu-ano ang mga pangayayari dito sa ibabaw ng mundo 24 oras. Naniniwala din ako na Diyos din ang gumagawa ng paraan kung paano tayo mailalayo sa mga hindi tunay na mga kaibigan, sa mga kaibigan na iiwan lang tayo, o kaya naman mga kaibigan na kailangan lang tayo kapag may kailangan sila. Alam ng Diyos kung ano ang tama at mali para sa ating ikabubuti.

Huwag nating hayaang maglaho na parang bula ang ating mga kaibigan, kasama na rin ang lahat ng mga tamis ng pagsasamahan. Mahalin, alagaan at pahalagahan ang ating mga kaibigan dahil sa sila ang ating mga pangalawang pamilya na maaring umagapay sa atin sa panahon ng unos at kalungkutan. Umasal tayo na kaibigan nila at ating ipadama sa kanila na sila ay may kaibigan, huwag lang natin silang hayaang sila na lang ng sila ang gumagawa ng mga bagay bagay para sa atin, suklian din natin kung anu man ang kanilang mga nagawa. Huwag nating “i-take for granted”, ang kanilang kabaitan, dahil maari ring magsawa o mapagod sila sa lahat ng kanilang ginagawa para sa atin. Sila ang maari nating sandalan hanggang sa ating pagtanda, maging sa pagputi ng ating mga buhok kahit pagkulobot pa ng ating mga balat dahil sila ang mga kasabayan natin sa pagtahak sa ating buhay.

Huwag na huwag nating kalilimutan o mag-alangan sa paghingi ng tawad sa kanila sa ating mga pagkakamali. Simpleng salitang “patawad o sorry” ay hindi ikamamatay ng sinuman kung iyon ay sasabihin mo sa iyong kaibigan na iyong nasaktan.Huwag na kayong magpataasan pa ng mga ihi (pride), kung sino ang mauunang hihingi ng tawad. Kung tayo naman ang hinihingian ng tawad huwag ng magalinlangan pa sa pagtatawad kung ang kanyang sinasabi naman ay katotohanan at ang kanyang paghingi naman ng tawad ay galing sa puso. Huwag na nating pairalin ang mga salitang “siya naman ang nauna eh”, “siya naman ang may mali eh”, “kasalanan niya yun!”. Kahit sinuman ang nauna hayaan mo na lang iyon at siya ay iyo ng patawarin at dadating ang panahon na maiisip din niya kung ano man ang kanyang nagawa at kung ano din ang iyong ginawa sa kanya. Maari yung magsilbing aral sa kanya at magpapahiwatig din iyon kung gaano siya kaimportante sa iyo at kahit ikaw na ang may mali andiyan pa din siya at handing ipaglaban at itayo ang kung ano pa man ang inyong nabuong samahan.

Mahirap mabuwag ang pagkakaibigan lalo na kung ang mga kaibigan mo ay kasama mo halos kalahati ng iyong buhay. Yun bang mula kayo ay nasa “preparatory school”, o kaya naman nasa elementarya, hiskul o kolehiyo, ay kayo na talaga ang magkadamay sa buhay. Hindi naman nasusukat ang pagkakaibigan sa haba ng taon ng inyong pinagsamahan kundi sa halaga ng mga pinagsamahan niyo at sa lahat ng mga pagpaphalaga ninyo sa bawat isa. Hindi ganoon kadali alisin ang bahid ng kalungkutan sa mga oras na naalala mo ang mga panahon ng kasiyahan na kapiling mo sila. Mahirap burahin sa ating ulirat kung ano man ang natatak ng kaugalian ng barkadahan lalo na kung lahat ng iyon ay kapakipakinabang at napakasarap balik balikan. Tama ba ako na kahit ilang beses natin ulit ulitin pagkwentuhan ang mga masasayang pangyayari sa ating pagkakaibigan ay hinding hindi tayo nagsasawa sa mga ito? Paano na lamang kung nabuwag na o nawala na ang lahat ng iyon? Paano mo kaya haharapin ang buhay na wala na sila? Paano ka kaya magkakaroon ng mga panibagong kaibigan kung hindi mo pa din maialis ang mga alaala? Sabi ko nga, mahirap mawalan ng kaibigan, para sa akin mas mahirap pa ito kaysa sa pakikipaghiwalay sa isang kasintahan. Kahit sabihin natin na madaming ibang tao diyan para maipalit sa iyong kaibigan, iba pa din ang mga panahon na kasama mo ang iyong mga kaibigan. At hindi ganun kadaling magsimulang magpakilala at kumilala sa mga panibagong mukha, panibagong ugali na kaibigan.

Kaya para sa aking mga kaibigan na naging parte na ng aking buhay at patuloy na nakakasama ko sa pagtahak ng aking buhay, maraming maraming salamat sa inyo. At para na rin sa mga kaibigan ko na iniwan ako, nagging parte rin kayo ng buhay ko at maraming salamat din sa bahid ng luha at hinanakit na iniwan niyo, ng dahil sa inyo marami akong natutunan at mula sa karanasan na iniwan niyo ay maari ko na iyong ibahagi sa ibang tao.


secretly me

No comments:

Post a Comment