Sunday, May 17, 2009

Kaibigan ka nga bang tunay?

Sa mundong ating kinatatayuan marami tayong tanong sa ating buhay lalo na pagdating sa ating mga kaibigan. Mga tanong na bumabagabag sa atin. Kung siya ba ay tunay na kaibigan. Kung siya ba ay mapagkakatiwalaan. Kung sasamahan ka ba niya sa iyong pagtawa at pagluha. Kung mahalaga ba sa kanya ang inyong pagkakaibigan. Kung nariyan siya para umintindi sa iyong mga problema. Kung hindi ka niya sisiraan sa mga nangyayari sa paligid mo. Kung bakit siya pa ang kailangan maghila sa iyo pababa. At ang pinakahuli ay kung bakit siya pa ang kailangan magsira sa inyong namuong relasyon.

Sa aking pagtapak sa kolehiyo, marami akong kailangang iayos o kung sa ingles nga ay “adjustments” lalo na pagdating sa pakikipagkaibigan. Pagkatapos ng sekondarya ang mga magkakaibigan ay naghihiwalay para piliin ang pinakamainam na kolehiyong papasukan. Kaya sa buhay ko sa kolehiyo, isa sa mga pinakaimportanteng bagay ay ang paghanap ng bagong mga kaibigan. Mga kaibigan na tutulong sa akin sa hirap man o ginhawa ika nga. Mga kaibigan na sasabay sa iyo sa pagmartsa sa graduation. Mga kaibigan na sasaluhan ka sa iyong mga tagumpay. Mga kaibigan na susuportahan ka sa bawat desisyon na iyong gagawin. Mga kaibigan na hindi ka pagtatawanan ano pa man ang mangyari. Mga kaibigan na hindi nagsasabi ng mga bagay pag ika’y nakatalikod o sa ingles nga ay “backstabbers”. Mga kaibigan na hindi ka kailanman ibabagsak. Marahil sa panahon ngayon mahirap ng makahanap ng mga kaibigan na talagang pinapahalagahan ang inyong relasyon dahil unti- unti ng naglalaho ang mga totoong taon dito sa mundo.

Saan nga ba nagsisimula ang pagkakaibigan? Hindi ba’t sa pagpapakilala kung saan nabubuo na ang magagandang samahan? Mga tawanan na araw-araw laging nakadikit sa atin. Mga birong laging naririnig bawat oras. Mga pagtutulungan mapa quiz man o takdang –aralin at isama mo pa ang exam. Mga kalokohan na tayong magkakaibigan lamang ang nakaka-alam at ating itinatago sa ating mga magulang. Mga sikretong labis nating pinakatatago. Mga kakulitan na kung saan ito’y humahantong sa pagkagalit ng ating magulang, guro at iba pang tao sa paligid, pero sa kabila ng lahat, nariyan pa rin sila para tawanan ka ulit at samahan ano pa man ang mangyari, kaya nga may kasabihan na “all for one, one for all”. Kaya naman ang isang salitang nakadikit sa mga karanasan na iyan ay TIWALA, simpleng salita ngunit makabuluhan naman ang ibig sabihin.

Sa paglipas ng buwan ang ating karanasan sa kolehiyo ay pahirap ng pahirap. Pero sa gitna ng lahat, nariyan pa rin ang ating mga kaagapay. Mas lumalalim ang samahan natin at mas nakikilala pa ang bawat isa. Mas tumitibay ang mga samahan sa gitna ng pagpapakahirap sa aming kurso. Hinding hindi ka iiwan sa gitna ng problema at nariyan pa sila para ikaw ay tulungan. Sasamahan ka sa iyong mga pangangailangan dahil palagi silang nariyan para umakay sa iyo. Nariyan din sila para tulungan ka sa mga liksyon na hindi mo naintindihan sa inyong pinakamahirap na asignatura. Pero hindi sa lahat ng bagay ay nariyan sila para tumulong sa iyo, kailangan ka rin nila pag sila naman ang nangangailangan. Hindi sila palaging nasa tabi mo dahil may mga pagkakataon din na kailangan nila kumatok sa iyong pintuan at humingi ng tulong. Kailangan mo suklian kahit sa pinakasimpleng bagay lamang dahil sila ay mahalaga sa iyo at ganoon rin, ikaw ay mahalaga sa kanila.

Pero sa paglalim ng pagsasamahan, nakikita rin natin ang tunay na kulay ng isang tao. Lumalabas ang tunay na mga ugali na naitago sa loob ng ilang buwan at dito na nagsisimula ang pagtatampuhan. Dito ko maihahambing ang katagang “walang sikretong di naibubunyag” dahil ang totoong kulay ng isang tao ay lumilitaw din sa pagdaan ng panahon na sila ay iyong kasama o kapiling. Sa paglipas ng panahon, hindi pa naman natin masasabing “sayang” dahil hindi pa naman ito ang katapusan ng isang namuong pagkakaibigan ng dahil lamang sa isang naibunyag na totoong kulay ng isang tao. Kaya pa rin natin ito tanggapin dahil siya nga iyon at ang tanging magagawa natin ay baguhin kung anu man ang di natin gusto. Wala naman tayong karapatan para pilitin siyang magbago kung ayaw niya talaga dahil iyon na ang kanyang pagkatao.

Pero ano pa nga ba ang magagawa natin kung ayaw niya na talaga magbago dahil hindi naman natin siya kontrolado. Pero ang mahirap sa ganyang karanasan ay kung diyan magsisimula ang pagkawasak ng pagkakaibigan. Hindi naman ito simpleng bagay kung tutuusin dahil isa itong malaking rason para ang iniingat ingatang pagkakaibigan ay masira. Siguro nga hindi natin kayang tanggapin kung sino talaga siya pero kailangan parin natin isipin na dapat hindi ito masira. Kaya kahit sa pinakamaliit na bagay ay maisasalba ito. Ngunit sa maraming pagkakataon kahit anong pilit mong pagsalba, ang kagustuhan ng Diyos ang dapat masunod, mayroon siyang rason kung bakit hindi puwedeng magtagal ang pagkakaibigan dahil mayroon pa siyang mas magandang plano para sa iyo at para sa iyong mga kasama.

Bakit nga ba nagiging dahilan ng pagkakasira ng pagkakaibigan ang isang tagong ugali? Una sa lahat kaya ang isang tao ay kinaaayawan ng kanyang mga kaibigan ay dahil sa hindi nila gusto o kaya ay hindi nila makasundo ang nakasanayang ugali ng isang tao. Mahirap na ibalik ang dating saya ng magkakaibigan lalo na kung sa huli ay balewala lang ang mga nangyari. Ang mga kaibigan na pilit umiintindi sa isa pang kaibigan ay nawawalan rin ng pasensiya dahil sila ang pilit na nag-aayos ng relasyon. Masasabi nating pwedeng maging manhid ang isang tao dahil hindi niya alam kung ano na ang mga hakbang na ginagawa ng kanyang kaibigan para malaman niya o kaya ay makaramdam siya sa mga hindi kanais nais na nangyayari. Marami pang halimbawa ang pwedeng sagot sa tanong na ito, ang isa pa ay ang pagsasabi ng mga masasamang bagay pag ika’y nakatalikod, pag nakaharap ay masayang masaya kayo pero may halong “plastikan”. Tinatawanan ka ng isang tao , ng isang “kaibigan” kahit sa PINAKAsimpleng bagay na mayroon ka, gawin nalang nating halimbawa ang payong. Halimbawa, ano ba ang mayroon sa payong bakit ikaw ay pinagtatawanan nila, marahil, masasabi natin na ang “teen” ay dapat hindi “KJ”, na dapat sumabay ka sa takbo ng mga hindi nagiging kahiya-hiya. E ano ba naman ang kahiya-hiya sa isang payong, kung ayaw mo lang naman umitim o kaya ayaw mo mabasa, dapat ba ikaw ay tawanan ?. Simpleng bagay hindi ba? Pero ginagawang napakalaking isyu. Hindi ka naman naghahanap ng away pero sila ang nagsisimula. Ayaw mo naman sirain ang namuong relasyon pero nariyan sila para gumawa nito. Dito mo na maitatanong kung sila ba ay kaibigan mong tunay?

Kaya sa mga ganitong pangyayari ang maaari mong gawin ay maghanap ulit ng bagong kaibigan. Pero sa maraming kadahilanan, maaaring hindi mo parin ito makakamit dahil nariyan parin ang iyong “dating” kaibigan na pumipigil sa iyo para humanap ng bagong kakaibiganin. Pilit sinisiraan, pilit pinaglalayo, at pilit pinagbabawalan. Ikaw na pilit lumalayo para hindi na lumala ang sitwasyon ay nagiging dahilan pa para ikaw ay lumabas na masama. Sila na nga itong nagsira sa inyong pagkakaibigan, sila pa ang may balak na maghiganti. Sa pag-aaway na ito, magkampihan na ang magkampihan, lumayo na ang dapat lumayo. Masasabi mong sinusubok nito ang tatag ng pagkakaibigan, pero iyon ay depende rin sa sitwasyon. Sa aking halimbawa, iba na ang usapan pag sinabi mong ito’y sinusubok lamang.

Marami pang mga kadahilanan kung bakit nasisira ang pagkakaibigan. Mapasimpleng bagay man ito o napakalaking dahilan, dapat huwag parin tayo mawalan ng pag-asa na maayos ito at huwag agad agad magsasara ng pinto para sa pakikipag-ayos. Hindi naman natin a mahuhusgahan ang isang tao kung siya ba ay tunay at totoong kaibigan o hindi, dahil kailangan muna natin ito kilalanin ng mabuti. Maaaring isang araw nawalan ka ng isang kaibigan pero darating din ang panahon na makakahanap ka din ng tunay na kaibigan. Huwag muna natin husgahan ang darating na bagong kaibigan dahil hindi dapat natin gawing basehan ang mga nagdaang pangyayari. Gaya nga ng sinabi ko, may plano ang Diyos, at nariyan siya palagi para ikaw ay gabayan. At isang araw bigla nalang iyan darating at matatanong mo sa iyong sarili kung siya ba ay isang kaibigang tunay?

MUTIT

No comments:

Post a Comment